Nakakatamad magtrabaho. Masarap tumambay na lang sa bahay at manood ng TV magdamag.
Inaantok na naman ako. Naghahanap ng magagawa dito sa opisina. Magpapanggap na busy at may katuturan ang ginagawa. Ilang oras na naman kaya ang bubunuin ko ngayon?
Bakit nga ba ako nagtratrabaho? Maliban sa simpleng rason na kelangan ko kumita, wala na akong ibang maisip na dahilan kung bakit kailangan kong pumasok sa trabaho araw –araw.
Mahirap bumangon kung di mo alam para saan at para kanino mo ginagawa ito.
Minsan iniisip ko kung nasa tamang industriya ba ako at tama ang pinili kong karera. Sabagay di ko naman talaga to pinili. Nagkataon lang na ito ang trabahong naghihire at nagbigay sakin ng magandang suweldo nung mga panahong kinailangan ko nang magtrabaho. Sa nakalipas na 9 na taon, itong trabaho ko ang naging buhay ko. Pero hindi dahil ginalingan ko o naging magaling ako sa ginagawa ko. Ang ibig ko lang sabihin, dito umikot ang buhay ko – kumikita ako para mabuhay, nabubuhay ako para kumita. Ganun lang.
Sa siyam na nakalipas na taon, halos hindi ko ipinahinga ang sarili ko. Pinakamatagal na siguro ang tatlong araw na bakasyon na madalas, itinutulog ko na lang. Pambawi sa ilang gabing kulang sa tulog dahil sa trabaho. Minsan, umuuwi ako sa amin sa probinsiya, pero kung nataong wala pang sweldo, hindi na lang ako tumutuloy. Don’t get it wrong. Hindi ako inoobliga ng magulang ko na magbigay sa kanila. Kung tutuusin, mas may kaya sila kaysa sa akin. Pero alam mo yun? Pag umuwi ka na di ka man lang makabili ng kahit ano para sa kanila o yung tipong di mo mailabas man lang sila, parang me kulang yung bakasyon mo. So ayun, pag wala akong ekstrang pera, di na lang ako umuuwi.
Sa haba ng mga taon ng pagtratrabaho ko, hindi ganun kalaki ang ipon ko. Di ko nga alam kung ipon ba ang tawag doon sa sobrang liit. Wala din akong kotse at lalong walang naipundar na bahay o lupa. Minsan inisip ko na lang, di ko naman kasi kailangan ng mga bagay na yan. Wala naman akong anak na kailangan pag aralin at suportahan, aanhin ko ang malaking pera? Nakatira ako malapit sa pinagtratrabahuan ko, at mahal ang parking sa building ko, hindi praktikal bumili ng kotse. At dahil wala naman akong pagpapamanahan ng ari-arian ko, aanhin ko ang lupa’t bahay? Ang dami kong pwedeng ibigay na rason para i-justify lahat to. Pero minsan nakakainis pa rin na wala ako ng mga ito, kasi sa maraming tao, eto ang basehan nila ng pagiging successful.
Kapag me nakikita akong lumang kakilala, mapa-kaibigan man o pamilya, “O kumusta ka na, asan ang bahay mo?” “Uy, mukhang successful tayo ah, ilan ang kotse mo?”
Alam mo yun? Minsan ako na ang umiiwas na makipagkita sa mga lumang kakilala.
Hindi ko alam kung bakit ko naisulat ito ngayon. Siguro dumarating lang talaga minsan sa tao na nagtatanong kung bakit niya ginagawa ang ginagawa niya. Wala naman kasi akong ibang ginawa kundi magtrabaho sa nakalipas na 9 na taon. Minsan baka sa kakatutok natin sa isang bagay, di natin mapansin ang mga mas dapat pala nating pinagtuunan ng atensyon at panahon. Ayokong magising na lang isang umaga na matanda na at nagtratabaho pa rin dahil yun na lang ang alam kong gawin.
Kailangan ko na muna magisip ng mga susunod na hakbang mula dito. Kung anuman ang mangyari, makikita mo.