Saturday, October 25, 2014

Usapang Lolo't Lola

I'm a martial law baby alright.
Pinanganak ako 1979 at nagkamuwang ang isip noong panahong umuwi't napatay si Ninoy Aquino sa Pilipinas noong 1982. 
Pero hindi ko idi-discuss ang martial law dito at hindi ako magiging pulitikal dito sa post ko na to. Sa ibang panahon natin paguusapan ang love and hate relationship ko sa mga Marcos.

Ang 80's, on a more personal note, ay panahong lahat ng mga mahal ko sa buhay, mula lolo, lola hanggang apo (sa akin at sa mga kapatid ko at mga pinsan) ay buhay at kumpleto pa. Nawalan ako ng lola noong 1987. First time ko yatang makakita ng labi ng patay nang malapitan noon. At hanggang ngayon, 27 years later, tanda ko pa rin kung paanong me humaplos sa aking malamig na hangin habang papalapit ako sa unang pagkakataon sa labi ng yumao kong lola. 9 years old lang ako noon pero doon ako nagsimulang maniwala sa  after life. 

Matagal-tagal din na naging biyudo ang lolo ko. 23 years din bago siya sumunod kay Nana sa kabilang ibayo. Ngayon, parehong pares ng lolo't lola ko, wala na. Ang paborito kong "lula" na kapatid ng lolo ko, namahinga na rin nung nakaraang taon lang.

Naisip ko lang, dumarating pala sa buhay yung marerealize mo na hindi ka na "apo" kasi walang nang tatawag sayo ng apo. Maiiwan ang pagiging anak, pamangkin, kapatid, pero apo, nawawala yan kasabay ng pagkamatay ng mga lolo't lola mo.

Bakit ba paraang nahipan ako ng hangin at biglang nagsulat ng ganito? Wala naman, nakakamiss lang magkaroon ng lolo't lola. Parang pag kasama mo sila, walang mali sa mundo, walang masama. Yun bang alam mong kahit makatulog ka ng walang kumot, meron at merong magtatalukbong sa yo kahit gaano na kalalim ang gabi. Yung pag naghanap ka ng halo halo sa hapong tirik na tirik ang araw, alam mong me mahihingan ka ng bente na walang kasamang pagalit.At yung pag nagbabakasyon ka sa probinsya, alam mong me nakaantabay sa pagdating mo at laging nagmamadaling salubungin ka? Nakakamiss.

Malapit na ang All Soul's Day. Hind ako makakauwi ngayong taon, katulad ng iba pang taon at All Soul's Day na lumipas. Hindi ako madalas dumalaw sa mga puntod ng lolo't lola ko. Pero sa isip? Lagi ko silang kausap, magpa-hanggang ngayon.